Ang tinatahak nating daang luntian;
Ang inaakalang ligtas na lansangan;
Ang mundo na ating ginagalawan:
Ay puno ng halimaw at taong gahaman.
Uhaw sa kapangyarihan, pera’t dugo
Na kahit kailanmang hindi napupuno
Ang kanilang tasang kumakamkam ng ginto
Na ang pagkitil ng buhay ay tila isang laro—
Isang munting laro sa mga taong nakaupo
Kasama ang mga dayuhan ay nagpapakulo
Ng pagnanakaw sa bayan ng lakas at ginto
At ang bayan ngayon ay naghihingalo.
Kaya nga’t ang dukha ngayon ang kawawa
Ngunit iilan lang ang dilat ang mata
Sa katotohanang tila nakakalula—
Na pinapaslang na ang mulat na makhata—
Mas malala: may nagbubulag-bulagan
May nakakarinig at nagbibingi-bingihan
Habang ang bayan ay nilalapastangan
Saan ang mga bayani? Nasaan ang kalayaan?
Libu-libo nang ina at ama
Libung anak na nangungulila
Sa mga minamahal na nawala parang bula
Sa halu-halong ilog ng dugo at luha
Libong manggagawa, magsasaka at mga bata;
Ang bayang inapi, ninakawan at sinira
Mga taong trinaydor at inalila
Ay bukas na ang isip – mata’y mulat na
Mga kupas na bandila at ang kabataan
Ngayon ay nasa lansangan
Isinisigay ang singil ng katarungan
Nakataas kamao at lumalaban
Ngunit kalian nga ba makakamtan ;
Ang inaasam na katarungan;
Inaasam na tunay na kalayaan?
Wala mang katiyakan—tuloy ang aming laban.
Patuloy kaming magpupunyagi
Na ang tunay na demokrasya ang maghahari
Dugo ng mga bayani ay dadanak muli
Ang sambayanang Pilipino ang siyang magwawagi.
Isang araw ang kalayaan ay ‘di na mawawala
Isang araw ang magandang buhay ay matatamasa
Isang araw ang katarungan ay nasa tao na
Isang araw kung kami’y nakabaon na sa lupa.
Ngunit habang may oras pa: kami ay lalaban
Hanga’t ang tagumpay ay aming mahahagkan
Hangang masilayan ang kalayaan ng bayan
Kahit umabot man sa aming kamataya.