“Never again to martial law!”
Nangingibabaw na naman ang pagkagahaman ni GMA sa pampulitikang kapangyarihan. Noong ika-4 ng Disyembre ay idiniklara nga ni GMA ang batas militar sa Maguindanao. Ang pagdiklara ng batas militar na ito ay walang basehan at nagpapatunay lamang na gutom na gutom si GMA sa kapangyarihang pampulitika. Nakasulat sa ating saligang batas na maaari lamang magdeklara ng batas militar kung may “invasion” o “rebellion.” Maaari daw magkaroon ng rebelyon mula sa kampo ng mga Ampatuan. Pero malinaw na malinaw na walang mangyayaring rebelyon dahil nga ay naaresto na ang mga suspitsado sa massacre. Malinaw na malinaw na isang “criminal act” ang ginawa ng kampo ni Ampatuan at hindi rebelyon sa basihan na ang pamamaslang ay ginawa sa paghahangad na mapapanatili ang kapangyarihan sa Ampatuan at hindi pagdistabila ng gobyerno dahilan.
Pagkatapos maideklara ang batas militar ay nakita nga na ang mga armas na nasa hanay ng mga Ampatuan ay mga armas na galling mismo sa Armed Forces of the Philippines. Nagpapatunay lamang na ang mga warlords na ito ay inaalagaan din ng rehimeng Arroyo. Mapapansin natin na sa halip na mapabilis ang katarungan ay inilihis lamang ng gobyerno ang ating pansin sa pagdedeklara ng batas militar na halatang halata na overkill. Kitang-kita na sa ganitong pagdedeklara ng martial law ay maaari na niyang bigyan ng bogus na dahilan ang pananatili niya sa pwesto.
Halatang halata ang pagkapareho ng taktika ni GMA at ni F.Marcos noong 1972. Tulad ni Marcos, nagsimula ang batas militar ni GMA na walang basehan. Nadeklara ang batas military bago mag 1973 presidential election na kahawig na kahawig ng taktika ni GMA ngayon.
Sa ganitong sitwasyon, makakasiguro tayo na dadami pa ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng batas militar ni GMA. Sa ganitong taktika, maaaring tumagal si GMA sa pwesto at maari pang palitan ang ating saligang batas. Sa ganitong paraan mauulit at mauulit ang pagbabastos sa ating karapatang pantao, pagpaslang sa mga mamahayag, pagdukot at pagtortyur sa mga estudyanteng aktibista at ang malawakang “media blackout.”
Tulad ng nangyari kay Marcos, ang mga kabataan ay may malaking papel sa pagtatanggol ng ating pambansang demokrasya at karapatang pantao. Ang pagiging makabayan ng kabataan ay dapat muling gisingin at gamitin para maipagtanggol ang Pilipino mula sa pananamantala ng isa pang pangulo na nais abusuhin ang mamamayang Pilipino. Kabataan, bawiin natin muli ang demokrasya na unti-unting pinapatay ng pasistang rehimeng Arroyo.